Addiction Recovery Program - Gabay sa Pagrekober at Paggaling Mula sa Adiksiyon

Ikatlong Hakbang: Magtiwala sa Diyos

PANGUNAHING ALITUNTUNIN: Magpasiya na ibaling ang iyong kagustuhan at iyong buhay sa pangangalaga ng Diyos ang Amang Walang-Hanggan at sa Kanyang Anak na si Jesucristo.

Ang ikatlong hakbang ay ang pagpapasiya. Sa unang dalawang hakbang, namulat kami sa mga hindi namin magagawa para sa aming sarili at kung ano ang kailangan naming hilingin sa Diyos na gawin para sa amin. Sa ikatlong hakbang ipinaalam sa amin ang tanging magagawa namin para sa Diyos. Nasasaamin kung gusto naming magtapat sa Kanya at ipaubaya sa Kanya ang buong buhay namin—nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap—at ang kagustuhan namin sa aming buhay sa Kanya. Ang ikatlong hakbang ay pagpapasiya. Iyon ang pinakamahalagang pagpapasiyang aming ginawa.

Ibinigay ni Elder Neal A. Maxwell ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod na pahayag tungkol sa pinakamahalagang desisyong ito:

“Ang pagsusumite ng kalooban ng isang tao ay talagang ang tunay na natatanging personal na bagay na kailangan nating ilagay sa altar ng Diyos. Malalim at mahirap na doktrina ito, ngunit totoo. Ang iba pang maraming bagay na ibinibigay natin sa Diyos, ay mga bagay na ipinagkaloob Niya sa atin, at ipinahiram lamang Niya sa atin. Ngunit kapag sinimulan nating ipasakop ang ating sarili sa kalooban ng Diyos, doon pa lamang tayo talagang may naibibigay sa Kanya” (“Insights from My Life,” Ensign, Ago. 2000, 9).

Inilarawan ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawa ang desisyon niyang isuko ang kanyang kalooban sa Diyos at ang kalayaan na ibinigay sa kanya ng desisyon:

“Marahil ang pinakamalaking tuklas sa buhay ko, walang dudang ito ang pinakamalaking pangako, ay nangyari nang magtiwala ako sa Diyos na ipahihiram o isusuko ko ang aking kalayaan sa kanya— nang walang pamimilit, nang hindi puwersahan, bilang isang indibiduwal na tao, sarili ko lang, nang walang pandaraya, walang inaasahan kundi ang pribilehiyo. Sa isang banda, sa matalinghagang salita, ang ipaubaya ang kalayaang pumili, ang itinatanging handog na ayon sa mga banal na kasulatan ay mahalaga sa buhay, at sabihing, ‘gagawin ko anuman ang sabihin mo,’ ay ang matutuhan na sa pagpapaubaya nito ay lalo mo pa itong tinaglay” (Obedience, Brigham Young University Speeches of the Year [Dis. 7, 1971], 4).

Nang ginawa namin ang ikatlong hakbang, nalaman namin ang katotohanan na ang aming paggaling ay mas dahil sa ginawa ng Diyos para sa amin kaysa sa ginawa namin para sa aming sarili. Ginawan Niya kami ng himala nang anyayahan namin Siya sa aming buhay. Ang ikatlong hakbang ay ang pagpapasiyang tulutan ang Diyos na pagalingin at iligtas kami. Ito ay ang pagpapasiyang tulutan Siya na pamahalaan ang aming buhay, na isinasaisip pa rin na iginagalang Niya ang karapatan naming magpasiya. Samakatuwid, ipinasiya naming ipaubaya ang aming buhay sa Kanyang mga kamay at patuloy na sinunod ang programang ito ng paggaling na nakatuon sa espirituwal.

Sa mga unang recovery meeting na dinaluhan namin, maaaring napilitan lamang kami o kaya naman ay pinilit kami ng iba na pumunta roon, ngunit sa ikatlong hakbang, kami na mismo ang dapat magpasiya. Natanto namin na kami pa rin ang magpapasiya kung gusto naming magbago. Wala nang kinalaman dito ang ginawa ng mga magulang namin, anumang ginagawa nila ngayon, o kung ano ang gusto nila. Ni hindi ito tungkol sa kung ano ang inakala, nadama, ginawa o hindi ginawa ng aming mga asawa, pamilya, o kaibigan. Nakita namin na kailangan naming maging handa na manatiling malinis at mahinahon anuman ang opinyon o pasiya ng iba. Ang aming pagpayag ang matibay na pundasyon ng aming paggaling. Sa pagbabasa namin ng Aklat ni Mormon, napatunayan namin ang katotohanan ng ikatlong hakbang sa Alma 5:13: “Sila ay nagpakumbaba ng kanilang sarili at ibinigay ang kanilang pagtitiwala sa totoo at buhay na Diyos.”

Nang simulan naming gawin ang hakbang na ito, natakot kami at inisip kung ano ang maaaring mangyari sa amin. Ano ang mangyayari matapos kaming magpakumbaba at ipaubaya nang lubusan sa Diyos ang aming buhay at kalooban? Karamihan sa amin ay hindi maganda ang naging karanasan noong aming kabataan, at natakot kami na muling masaktan tulad ng mga musmos na walang magawa. Ang mga naging karanasan namin ang nagtanim sa aming isipan na imposible kaming makatupad ng pangako dahil sa dami ng kaguluhang nakapalibot sa amin. Napakaraming pangako na hindi natupad ang nasaksihan namin. Kami rin mismo ay hindi nakatupad sa aming mga ipinangako. Ang pinakamabuting magagawa namin ay subukang pakinggan ang ipinayo sa amin ng aming mga kaibigan na nagsigaling na: “Huwag gumamit. Magpunta sa mga miting. Humingi ng tulong.” Ang mga nauna nang gumawa ng mga hakbang na ito ay nag-aanyayang subukan namin ang bagong pamumuhay na ito. Matiyaga silang naghintay na magkusa kaming pagbuksan ng pintuan ang Diyos kahit bahagya lamang.

Gayundin ang paanyaya ng Panginoon: “Narito ako’y nakatayo sa pintuan at tumutuktok: kung ang sinoman ay duminig ng aking tinig at magbukas ng pinto, ako’y papasok sa kaniya, at hahapong kasalo niya, at siya’y kasalo ko” (Apocalipsis 3:20).

Noong una ay natatakot at nag-aatubili kami. Ibinibigay namin ang aming tiwala sa Panginoon ngunit binabawi rin itong muli pagkatapos. Nag-alala kami na baka nagagalit Siya sa amin dahil pabagu-bago kami ng isip at baka bawiin na Niya ang Kanyang tulong at pagmamahal sa amin. Ngunit hindi Niya ginawa iyon.

Unti-unti na naming hinayaang ipakita ng Panginoon ang Kanyang kapangyarihang magpagaling at ang kaligtasang dulot ng pagsunod sa Kanyang landas. Kalaunan ay natuklasan naming hindi lamang namin dapat paglabanan ang aming adiksiyon, kundi ipaubaya rin namin ang aming buong kalooban at buhay sa Diyos. At dahil dito, nakita namin ang Kanyang tiyaga at pag-unawa sa kabila ng pag-aatubili naming sumunod sa Kanya sa lahat ng bagay.

Ang kakayahan naming labanan ang tukso ay nakasalalay na ngayon sa patuloy na pagsunod sa kagustuhan ng Panginoon. Ipinapahayag namin na kailangan namin ang lakas na dulot ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, at nagsisimula na naming madama ang kapangyarihang ito na nagpapatibay sa amin laban sa tuksong dumarating. Natutunan naming tanggapin ang buhay ayon sa nais ng Panginoon.

Tulad nga ng sinabi ni Elder Maxwell, ang pagpapasakop na ito sa Panginoon ay malalim at mahirap na doktrina. Kailangan dito na muli naming ituon ang aming sarili sa Kanyang kagustuhan sa bawat araw at kung minsan ay sa bawat oras at maging sa bawat sandali. Sa paggawa namin nito, makikita namin ang biyaya, o ang nagbibigay-kakayahang kapangyarihan, na magawa ang hindi namin kayang gawin para sa aming sarili.

Sa patuloy na pagpapasakop sa kagustuhan ng Diyos, mababawasan ang aming di-pagkakaunawaan at gagawing mas makabuluhan ang aming buhay. Hindi na kami naiinis sa maliliit na problema tulad ng masikip na daloy ng trapiko. Hindi na kami natatakot sa pinagkakautangan namin. Pinapanagutan namin ang mga ginawa namin. Tinatanggap at tinatrato namin ang iba sa paraan na gusto naming tratuhin kami ng iba, tulad ng pagtrato sa ating lahat ng Tagapagligtas. Ang aming mga mata, isipan, at puso ay bukas na sa katotohanang mapaghamon ang buhay sa mundo, at lagi nang may posibilidad na danasin namin ang lungkot at kabiguan, gayundin ng kaligayahan.

Bawat araw ay inuulit namin ang aming pagpapasakop sa Panginoon at sa Kanyang kalooban. Ito ang ibig sabihin ng karamihan sa amin kapag sinasabi naming, “One day at a time [bawat araw lamang].” Nakapagpasiya na kaming kalimutan na ang aming sariling kagustuhan at pagpokus lamang sa aming sarili na siyang pinakaugat ng aming adiksiyon at samantalahin ang susunod na 24-oras ng kapayapaan at lakas na dulot ng pagtitiwala sa Diyos at sa Kanyang kabutihan, kapangyarihan, at pagmamahal.

 


Mga Gagawin

Dumalo sa sacrament meeting; pag-aralang muli at panibaguhin ang mga tipan sa binyag

Ang paggawa ng ikatlong hakbang at pagtitiwala sa Diyos sa lahat ng bagay ay parang pagsusuot ng bagong salamin sa mata at makita ang lahat ng bagay nang may mas malinaw na mga mata. Sa pasiya mo na sundin ang kagustuhan ng Diyos at hindi ang sa iyo, mararamdaman mo na ang kapanatagan at galak na dulot ng pagsunod sa kalooban ng Ama sa Langit.

Isinasagisag ng binyag at sakramento ang pagmamahal at pagpapasakop mo kay Jesucristo. Nakikipagtipan ka na tataglayin sa iyong sarili ang Kanyang pangalan, lagi Siyang aalalahanin, tutularan Siya at susundin ang Kanyang mga utos “nang sa tuwina ay mapasa[iyo] ang kanyang Espiritu upang makasama [mo]” (Moroni 4:3; tingnan din sa Moroni 5:2; D at T 20:77, 79).

Kausapin ang bishop o branch president mo tungkol sa iyong adiksiyon at sa desisyon mong sundin ang kalooban ng Diyos. Gawin ang lahat ng magagawa mo upang makadalo sa sacrament meeting bawat linggo. Habang naroon ka, pakinggang mabuti ang mga panalangin ng sakramento at isipin ang mga ipinagkakaloob sa iyo ng Ama sa Langit. Pagkatapos ay panibaguhin ang iyong pangako na tanggapin at sundin ang Kanyang kalooban sa pamamagitan ng pagtanggap ng sakramento kung pinahintulutan ka ng iyong bishop o branch president na gawin ito.

Habang nagpapagaling ka, mas nanaisin mong mapabilang sa mga taong nagpapahalaga sa sakripisyo ng Tagapagligtas. Unti-unti mo nang madarama ang katotohanan na “walang salitang mula sa Dios na di may kapangyarihan” (Lucas 1:37).

 

Magpasiyang magtiwala at sundin ang Diyos; baguhin ang kaya mong baguhin; tanggapin ang hindi mo kayang baguhin

Ang mga salitang ito—na hango sa panalangin ni Reinhold Niebuhr at kilala bilang “Serenity Prayer [Panalangin ng Katiwasayan]”—ay makakatulong sa iyo sa pagpapasiya mong magtiwala at sundin ang Diyos, “O, Diyos, ipagkaloob Ninyo sa akin ang katiwasayang matanggap ang mga bagay na hindi ko kayang baguhin, tapang na baguhin ang mga bagay na kaya kong baguhin, at karunungan na malaman ang kaibhan.”

Matatanggap mo nang matiwasay ang kalagayan mo ngayon kapag nagtiwala ka sa kakayahan ng Diyos na tulungan ka. Matatanggap mo nang matiwasay na bagama’t hindi mo makokontrol ang mga desisyon at ginagawa ng iba, ikaw ang magpapasiya kung ano ang gagawin mo sa bawat sitwasyong kakaharapin mo.

Maaari kang magpasiya nang may lakas-ng-loob na magtiwala sa iyong Ama sa Langit at kumilos ayon sa nais Niya. Maaari mong ipaubaya sa pangangalaga Niya ang kalooban at buhay mo. Maaari mong ipasiyang gawin ang ipinapagawa Niya sa iyo at sundin ang Kanyang mga utos.

Maaaring hindi mo mabago ang ilang bagay sa iyong buhay, ngunit mababago mo ang kahandaan mong magtiwala sa Diyos at sumunod sa Kanya. Kapag natutuhan mong magtiwala sa Kanya, makikita mo na ang Kanyang plano para sa iyo ay sundin ang tinatawag ni Alma na “dakilang plano ng kaligayahan” (Alma 42:8). Malalaman mo na kahit sa oras ng paghihirap at suliranin na ang “lahat ng mga bagay ay nagkakalakip na gumagawa sa ikabubuti ng mga nagsisiibig sa Diyos” (Mga Taga Roma 8:28) at sumusunod sa Kanyang mga utos (tingnan din sa D at T 90:24; 98:3; 100:15; 105:40).

 


Pag-aaral at Pag-unawa

Ang mga sumusunod na banal na kasulatan ay maaaring makatulong sa iyo sa paggawa ng ikatlong hakbang. Gamitin ang mga banal na kasulatan at mga tanong na ito sa pagninilay-nilay, pag-aaral, at pagsusulat. Tandaan na maging tapat at detalyado sa iyong pagsusulat.

 

Pag-ayon sa kalooban ng Diyos

“Makipagkasundo kayo sa kalooban ng Diyos, at hindi sa kagustuhan ng diyablo at ng laman; at tandaan, matapos kayong makipagkasundo sa Diyos, na dahil lamang sa at sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos na kayo ay maliligtas” (2 Nephi 10:24).

  • Isipin kung ano ang ibig sabihin ng mamuhay ayon sa kalooban ng Diyos. Isipin kung paano magkakaroon ang iyong buhay ng Kanyang nagbibigay-kakayahang kapangyarihan kapag lumapit ka sa Kanya. Ano ang pakiramdam mo sa pagtutulot sa Diyos na gabayan ang buhay mo?

  • Ano ang humahadlang sa iyo na tulutan Siya na gabayan ang buhay mo?

 

Pagsunod sa kalooban ng Diyos

“At ito ay nangyari na, na ang mga pasaning ipinataw kay Alma at sa kanyang mga kapatid ay pinagaan; oo, pinalakas sila ng Panginoon upang mabata nila ang kanilang mga pasanin nang may kagaanan, at nagpasailalim nang may kagalakan at nang may pagtitiis sa lahat ng kalooban ng Panginoon” (Mosias 24:15).

  • Maaari namang tanggalin ng Panginoon ang mga pasanin ni Alma at ng kanyang mga tao; ngunit sa halip ay pinalakas Niya sila upang makayanan nila “ang kanilang mga pasanin nang may kagaanan.” Pansinin na hindi sila nagreklamo at sa halip ay nagpasailalim o sumunod nang may kagalakan at nang may pagtitiis sa kalooban ng Panginoon. Isulat ang pagpapakumbabang kailangan upang humingi ng kaagad na ginhawa at handa ring tanggapin kahit paunti-unti ang pag-alis ng pasanin.

  • Ano ang ibig sabihin ng pagpapasakop sa Diyos? Paano ka nagpapasakop?

  • Ano ang pakiramdam mo tungkol sa pagpapasakop nang kusang-loob at nang matiyaga sa itinakda ng Panginoon na panahon ng pagbabago?

  • Paano ka magkakaroon ng tapang na patuloy na magsikap hanggang sa mawalan ka ng mga pasanin?

 

Pag-aayuno at panalangin

“Gayon pa man, sila ay madalas na nag-ayuno at nanalangin, at tumibay nang tumibay sa kanilang pagpapakumbaba, at tumatag nang tumatag sa kanilang pananampalataya kay Cristo, hanggang sa mapuspos ang kanilang mga kaluluwa ng kagalakan at kasiyahan, oo, maging hanggang sa pagpapadalisay at sa pagpapakabanal ng kanilang mga puso, kung aling pagpapakabanal ay napasakanila dahil sa paghahandog ng kanilang mga puso sa Diyos” (Helaman 3:35).

  • Ang talatang ito ay naglalarawan ng mga taong inihandog ang kanilang mga puso sa Diyos. Paano mapalalakas ng pag-aayuno ang iyong kakayahang ihandog ang iyong puso sa Diyos at umiwas sa adiksiyon?

  • Isipin kung gaano kahalagang magdasal sa sandaling natutukso, at isulat kung paano pag-iibayuhin ng panalangin ang iyong pagpapakumbaba at pananampalataya kay Cristo.

  • Gaano katindi ang pagnanais mo na ihandog ang iyong puso sa Diyos at paglabanan ang adiksiyon sa oras ng tukso?

 

Magpakumbaba sa harapan ng Diyos

“Subalit masdan, kanyang pinalaya sila dahil sa nagpakumbaba sila ng kanilang sarili sa kanyang harapan; at dahil sa nagsumamo sila nang mataimtim sa kanya ay kanyang pinalaya sila mula sa pagkaalipin; at sa gayon gumagawa ang Panginoon sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan sa lahat ng pagkakataon sa mga anak ng tao, inuunat ang bisig ng kanyang awa sa kanila na nagbibigay ng kanilang tiwala sa kanya” (Mosias 29:20).

  • Ano ang pumipigil sa iyo na “magsumamo nang mataimtim” sa Diyos upang makalaya ka ayon sa Kanyang kalooban?

  • Ano ang pumipigil sa iyong hangarin ang ganitong uri ng paglaya noon?

  • Sa anong mga paraan mo matututuhang magtiwala sa Diyos?

  • Ikaw ang magpapasiya kung magpapakumbaba ka o hindi. Papapaniwalain ka ni Satanas na tinutulungan ng Diyos ang iba ngunit hindi ka Niya tutulungan dahil ikaw ay mahina at wala nang pag-asa. Kilalanin na kasinungalingan ito. Ang totoo, ikaw ay anak ng Diyos. Paano magagawa ng kaalamang ito na tulungan kang magpakumbaba?

 

Ang pasiyang simulan ang pagpapagaling

“At ngayon nais ko na kayo ay maging mapagpakumbaba, at maging masunurin at maamo; madaling pakiusapan; puspos ng tiyaga at mahabang pagtitiis; mahinahon sa lahat ng bagay; masikap na sumusunod sa mga kautusan ng Diyos sa lahat ng panahon; humihingi ng ano mang bagay na inyong kinakailangan, maging espirituwal at temporal; parating gumaganti ng pasasalamat sa Diyos para sa ano mang bagay na inyong tinatanggap” (Alma 7:23).

  • Ang ikatlong hakbang ay pagpapasiya. Nangyayari ang pagrekober sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, matapos mo lamang ipasiya na hingin ang tulong Niya. Ang pagpapasiya mo ang magbubukas ng daan upang dumaloy ang Kanyang kapangyarihan sa buhay mo. Isipin kung paano mo pagpapasiyahan na maging mapagpakumbaba, matiyaga, at maamo. Ang huling katangiang nakalista sa banal na kasulatan ay pasasalamat. Paano nakatutulong sa iyo ang pasasalamat upang magpakumbaba?

  • Ano pa ang ibang mga katangiang isinama ni Alma sa listahan?

  • Alin sa mga katangiang ito ang wala sa iyo?

  • Alin ang pagsisikapan mong magawa ngayon? Ano ang magagawa mo ngayon upang makapagsimula?

 

Maging tulad ng isang bata

“Sapagkat ang likas na tao ay kaaway ng Diyos, at naging gayon mula pa sa pagkahulog ni Adan, at magiging gayon, magpakailanman at walang katapusan, maliban kung kanyang bigyang-daan ang panghihikayat ng Banal na Espiritu, at hubarin ang likas na tao at maging banal sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo, ang Panginoon, at maging tulad ng isang bata, masunurin, maamo, mapagpakumbaba, mapagtiis, puno ng pag-ibig, nakahandang pasakop sa lahat ng bagay na nakita ng Panginoon na angkop na ipabata sa kanya, maging katulad ng isang batang napasasakop sa kanyang ama” (Mosias 3:19).

  • Marami sa amin ang hindi nakaranas ng pagmamahal mula sa mga magulang o tagapag-alaga, at ang maging “katulad ng isang bata” ay malaking hamon sa amin, at marahil nakakatakot pa. Kung may mga problema ka pa sa iyong magulang na hindi mo pa nareresolba, ano ang magagawa mo upang maihiwalay ang nadarama mo sa iyong magulang at ang nadarama mo sa Diyos?

  • Bagama’t may mga problema ka pang dapat resolbahin sa mga magulang mo dito sa mundo, magtiwala ka na ang ating Ama sa Langit at ang Tagapagligtas ay mga perpektong ama. Bakit mapagtitiwalaan mo ang Ama sa Langit at ang Tagapagligtas kapag ipinasakop o ipinaubaya mo ang buhay mo sa Kanila?

 

Pakikipag-ugnayan sa Diyos

“Nanikluhod [si Jesus], at nanalangin, na sinasabi sa Ama, kung ibig mo, ilayo mo sa akin ang sarong ito: gayon ma’y huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo ” (Lucas 22:41–42).

  • Sa panalanging ito, ipinakita ng Tagapagligtas ang Kanyang kahandaang magpasakop sa Ama. Sinabi Niya ang nais Niya ngunit pagkatapos ay mapagpakumbaba Niyang ginawa ang kagustuhan ng Kanyang Ama. Isipin kung ano ang maitutulong ng masabi mo sa Diyos ang nararamdaman mo. Paano nakatutulong sa iyo ang pagkaalam na nauunawaan Niya ang pag-aatubili at pasakit na nadarama mo o anumang nararamdaman mo upang masabi mong “Mangyari ang kalooban Ninyo,” at patunayan ito?