Addiction Recovery Program - Gabay sa Pagrekober at Paggaling Mula sa Adiksiyon

Ikalimang Hakbang: Pagtatapat

PANGUNAHING ALITUNTUNIN: Aminin sa iyong sarili, sa iyong Ama sa Langit sa pangalan ni Jesucristo, sa wastong awtoridad ng priesthood, at sa ibang tao ang tunay na nagawa mong mga pagkakamali.

Karaniwang katangian ng karamihan sa mga taong may adiksiyon ang paglayo sa ibang tao. Kahit sa lupon ng mga tao o habang abala sa mga aktibidad kung saan maaaring madama ang kaugnayan sa isa’t isa, nadarama namin na hindi kami kabilang. Sa pagdalo namin sa mga recovery meeting, nagsimulang mawala ang emosyonal na paglayo sa mga tao na damang-dama sa adiksiyon. Noong una, marami sa amin ang nakaupo at nakikinig lang, ngunit kalaunan hindi na kami naasiwang magsalita at magbahagi. Gayunpaman, marami pa rin kaming itinatago—mga bagay na nakakahiya, nakalulungkot, mga bagay na nakasasakit sa amin.

Gumawa kami ng tapat at masusing imbentaryo ng aming buhay sa ikaapat na hakbang, ngunit para sa amin lamang iyon. Nag-iisa pa rin kaming nakakaalam sa masasakit na alaala ng aming nakaraan. Nang sinimulan namin ang ikalimang hakbang ay saka lamang namin nailabas ang mga lihim na dahilan ng paglayo namin sa mga tao at nagkaroon kami ng bagong pananaw sa aming sarili at sa nakaraan. Ang pagtatapat ay nagsimula sa pagsasabi sa aming mga kaibigan, pamilya, at iba pa na nagsisisi na kami. Bahagi ito ng patuloy na pagsisikap na ayusin at buuing muli ang mga nasirang relasyon. Kasama rin sa pagtatapat ang paghingi ng tawad mula sa Panginoon sa pamamagitan ng panalangin at kung kinakailangan sa pamamagitan ng mga itinalagang priesthood leader.

Nakita namin na magandang simulan agad ang ikalimang hakbang matapos ang ikaapat na hakbang hangga’t maaari. Ang pagpapaliban nito ay parang hindi paggamot sa sugat gayong alam mo na may impeksiyon ito. Parang napakahirap gawin ang ikalimang hakbang, ngunit nang humingi kami ng tulong sa Panginoon, binigyan Niya kami ng tapang at lakas. Matapos basahing muli ang aming mga imbentaryo, ipinagtapat namin sa aming bishop ang anumang bawal o kasalanan o pagkakamaling nagawa namin na naging hadlang upang magkaroon kami ng temple recommend. Ang pagtatapat na ito sa wastong awtoridad ng priesthood ay mahalagang bahagi ng pagrekober at paggaling.

Pumili rin kami ng isa pang taong mapagkakatiwalaan na pagsasabihan ng mga tunay na nagawa naming pagkakamali. Sinikap naming piliin ang taong nakatapos na sa ikaapat at ikalimang hakbang at matatag sa ebanghelyo. Sinimulan namin ang miting sa panalangin upang imbitahan ang Espiritu, at pagkatapos ay binasa namin nang malakas ang aming mga imbentaryo. Tinulungan kami ng mga taong nakinig sa aming mga imbentaryo na makita ang mga pagkakataon sa buhay namin na hindi kami naging tapat sa aming sarili. Tinulungan nila kaming ilagay sa tamang perspektibo ang buhay namin at iniwasang palakihin o paliitin ang pananagutan namin.

Ang pagsulat ng mga imbentaryo ay parang pagtatala ng daan-daang magkakahiwalay na mga pangyayari sa aming buhay. Sa ikalimang hakbang, nagkaroon kami ng pagkakataong makita ang salaysay ng bawat tagpo sa aming buhay. Nang gawin namin ito, nagsimula naming makita ang mga kahinaan na nakaapekto sa aming mga pagpapasiya. Naunawaan na namin ang dahilan ng mga negatibong naiisip at nadarama namin (katigasan ng ulo, takot, kapalaluan, awa sa sarili, pagkainggit, pagmamagaling, galit, hinanakit, hindi makontrol na silakbo ng damdamin at pagnanasa, at marami pang iba). Ang mga naiisip at nadaramang ito ang tunay na pinag-ugatan ng nagawa naming mga pagkakamali.

Sa pagkumpleto ng ikalimang hakbang, ipinakita namin sa Diyos, sa aming sarili, at isa pang saksi ang matibay naming pangako na magbagong-buhay at mamuhay nang ayon sa katotohanan. Kahit na isa sa mga pinakamahirap gawin ang ikalimang hakbang, nahikayat kami ng payo ni Pangulong Spencer W. Kimball:

“Ang pagsisisi ay hindi maaaring dumating hangga’t hindi nailalantad ng isang tao ang kanyang kaluluwa at aaminin ang kanyang mga ginawa nang walang pagdadahilan o pangangatwiran.… Ang mga taong piniling harapin ang problema at baguhin ang buhay nila ay maaaring mahirapang magsisi sa una, ngunit makikita nila na higit na kasiya-siya ang landas na ito sa sandaling matamasa nila” (“The Gospel of Repentance,” Ensign, Okt. 1982, 4).

Naranasan namin ang itinuro ni Pangulong Kimball. Mula nang tapat at masusi naming kinumpleto ang ikalimang hakbang, wala na kaming maaaring itago. Ipinakita namin na gusto naming “[talikuran] ang lahat ng [aming] mga kasalanan” (Alma 22:18) upang mas madama namin ang pagmamahal ng Diyos at ang suporta ng maraming mabubuting taong nakapalibot sa amin.

 


Mga Gagawin

Simulan ang paghingi ng tawad; kausapin ang bishop kung kailangan; maging tapat sa Diyos, sa iyong sarili, at sa iba

Ang “tungkulin ng lahat ng tao [ay] ipagtapat ang lahat ng kanilang mga kasalanan sa Panginoon” (Bible Dictionary, “Confession,” 649). Ang mas mabibigat na kasalanan ay kailangang ipagtapat sa wastong mga priesthood leader, karaniwan ay sa bishop:

“Bagama‘t ang Panginoon lamang ang maaaring magpatawad ng mga kasalanan, ang mga priesthood leader na ito ay may mahalagang papel sa proseso ng pagsisisi. Ililihim nila ang ipinagtapat ninyo at tutulungan kayo sa buong proseso ng pagsisisi. Magtapat nang lubusan sa kanila. Kung hindi ninyo ipagtatapat ang lahat, na binabanggit lamang ang maliliit na pagkakamali, hindi malulutas ang mas mabigat na kasalanang hindi ninyo ipinagtapat. Kapag mas maaga ninyong sinimulan ang prosesong ito, mas maaga kayong mapapayapa at magagalak sa himala ng kapatawaran” (Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2006], 156).

Maging maingat sa pagpili ng taong pagsasabihan mo ng iyong mga pagkakamali maliban sa priesthood leader. Huwag magkuwento ng napakaselang impormasyon sa mga taong sa hinala mo ay hindi ka magagabayan nang tama, magbibigay ng maling impormasyon, o hindi marunong magtago ng mga kumpidensyal na bagay. Ang mga taong binabahaginan mo ng iyong imbentaryo ay dapat na lubos na mapagkakatiwalaan sa salita at sa gawa.

 

Hayaang magkaroon ng kapayapaan ang buhay mo

Nagbabala si Pangulong Brigham Young sa mga miyembro na hindi kailangang lantarang sabihin ang mga kasalanan:

“Kapag hinihiling namin sa mga kapatid, na kadalasan naming ginagawa, na magsalita sila sa sacrament meeting, sinasabi namin sa kanila na kung nakasakit sila ng mga kapitbahay, na ipagtapat ang mga pagkakamali nila; ngunit huwag ninyong sabihin ang walang-saysay ninyong pag-uugali na walang nakakaalam kundi kayo. Sabihin sa madla ang para sa madla. Kung nagkasala kayo sa mga tao, magtapat sa kanila. Kung nagkasala kayo sa isang [pamilya] o kapitbahayan, pumunta sa kanila at magtapat. Kung nagkasala kayo sa inyong Ward, magtapat sa inyong Ward. Kung nagkasala kayo sa isang indibiduwal, kausapin nang sarilinan ang taong iyon at magtapat sa kanya. At kung nagkasala kayo sa Diyos, o sa inyong sarili, ipagtapat ito sa Diyos, at kimkimim ang bagay na ito, dahil ayokong malaman ang anuman tungkol dito” (Discourses of Brigham Young, sel. John A. Widtsoe [1954], 158).

Paminsan-minsan ay maaari kang makakita ng mga tao sa mga recovery meeting o sa ibang mga sitwasyon na tila paulit-ulit na sinasabi ang kanilang mga kasalanan o ang mga nagawang kasalanan sa kanila ng iba. Lagi silang nagtatapat ngunit hindi kailanman nakakahanap ng kapayapaan.

Huwag mong isipin na pagsasabi lamang ng mga negatibong bagay ang dapat gawin sa ikalimang hakbang. Kabaligtaran nito ang layunin ng ikalimang hakbang. Ginagawa namin ang ikalimang hindi para patuloy na panghawakan ang mga bagay na ipinagtapat namin kundi upang umpisahan nang makita ang kaibhan ng masama sa mabuti para sa aming sarili at piliin ang mabuti.

 


Pag-aaral at Pag-unawa

Ang mga sumusunod na banal na kasulatan at pahayag ng mga lider ng Simbahan ay maaaring makatulong sa iyo sa paggawa ng ikalimang hakbang. Gamitin ang mga ito sa pagninilay, pag-aaral, at pagsusulat. Tandaan na maging tapat at detalyado sa iyong pagsulat.

 

Pagtatapat sa Diyos

“Ako, ang Panginoon, ay nagpapatawad ng mga kasalanan sa mga yaong umaamin ng kanilang mga kasalanan sa aking harapan at humihingi ng kapatawaran” (D at T 64:7).

  • Paano nakatulong ang pagtatapat ng iyong mga kasalanan sa Diyos upang magawa mo ang magagandang pagbabago sa iyong buhay?

  • Karamihan sa amin ay natatakot gawin ang ikalimang hakbang. Paano nagagawa ng pagtatapat ng mga kasalanan mo sa Diyos na bigyan ka ng tapang at lakas upang kalaunang makapagtapat ka rin sa ibang tao?

 

Pagtatapat sa iba

“Mangagpahayagan nga kayo sa isa’t isa ng inyong mga kasalanan, at ipanalangin ng isa’t isa ang iba, upang kayo’y magsigaling” (Santiago 5:16).

  • Maaaring nag-aalala ka na hindi ka matatanggap ng taong alam lahat ang mga kahinaan at pagkakamali mo. Ngunit ang isang priesthood leader o mapagkakatiwalaang kaibigan na nakauunawa sa proseso ng pagrekober ay karaniwang tumutugon nang may pang-unawa at habag. Paano makatutulong sa paggaling mo ang gayong pagtugon?

 

Pagtatangkang maging mabuti sa paningin ng iba

“Huwag hayaang ipagmalaki ng sinuman ang sarili niyang kabutihan … ; bagkus ay hayaang ipagtapat niya ang kanyang mga kasalanan, at siya ay patatawarin, at siya ay lalong magbubunga” (Joseph Smith, sa History of the Church, 4:479).

  • Isang pinakamatinding obsesyon ng may adiksiyon ang maging mabuti sa paningin ng iba. Paano nagiging hadlang ang obsesyon na ito sa pagkakataon mo na “lalong magbunga” (o magpakabuti)?

  • Paano mababago ang pag-uugali mo kung ang iniisip mo lang ay maging mabuti sa paningin ng Diyos?

 

Katapatan

“Kung sinuman ang lalabag sa akin, siya ay hahatulan mo alinsunod sa mga kasalanang kanyang nagawa; at kung magtatapat siya ng kanyang mga kasalanan sa iyo at sa akin, at magsisisi nang taos sa kanyang puso, siya ay iyong patatawarin, at akin din siyang patatawarin” (Mosias 26:29).

  • Kapag nagtapat ka ng iyong mga kasalanan, dapat gawin mo ito nang taos-puso. Isipin kung paano nababawasan ang katapatan ng ginagawa mo kapag hindi mo sinasabi ang lahat ng dapat mong sabihin. Anong bahagi ng imbentaryo mo, kung mayroon man, ang natutukso kang ilihim?

  • Ano ang mapapala mo sa patuloy na pagtatago ng bahaging ito ng iyong imbentaryo? Ano ang mawawala sa iyo?

 

Ipagtapat ang kasalanan sa sandaling matukoy ito

“Sa taon ding ito, sila ay nadala sa kaalaman ng kanilang kamalian at ipinagtapat ang kanilang mga pagkakamali” (3 Nephi 1:25).

  • Ang talatang ito ay isang halimbawa ng mga tao na hindi ipinagpaliban ang pagtatapat ng kanilang mga kasalanan nang malaman nila na nagawa nila ang mga ito. Ano ang maitutulong ng kaagad na paggawa ng ikalimang hakbang matapos gawin ang ikaapat na hakbang?

  • Ano ang maaaring masamang epekto kapag ipinagpaliban ang ikalimang hakbang?

 

Pagpapagaan ng pasanin at pagiging payapa

“Hindi ko tutukuyin ang iyong mabibigat na kasalanan upang saktan ang iyong kaluluwa, kung ito ay hindi para sa iyong ikabubuti” (Alma 39:7).

  • May ilang tao na magsasabing masyado kaming nakatuon sa mga negatibong bagay sa pamamagitan ng paggawa ng ikaapat at ikalimang hakbang at ang mga ito ay lalo lamang nagpapadagdag sa aming stress. Sa talatang ito, itinuro sa atin na ang pagharap sa mga pagkukulang ay makabubuti sa atin, at hindi lamang “[sa]saktan” (o gagawing balisa) ang ating mga kaluluwa. Sa paanong paraan pinagagaan ang pasanin mo at mas pinapayapa ka ng ikaapat at ikalimang hakbang?

 

Pagtalikod sa kasalanan

“Sa pamamagitan nito inyong malalaman kung ang isang tao ay nagsisi ng kanyang mga kasalanan—masdan, kanyang aaminin ang mga yaon at tatalikdan ang mga yaon” (D at T 58:43).

  • Ang ibig sabihin ng talikdan ang isang bagay ay kalilimutan na ito o lubusang iwanan. Paano mo maipapakita na gusto mong talikdan ang mga dati mong ginagawa sa pagkumpleto ng ikalimang hakbang?